tawa ng babaeng baliw

TAWA NG BABAENG BALIW

ni Jamil Arjay Anda

(Iginuhit ni Yam Ara)
Dumating na naman ang gabi…

Malamig at maingay na gabi.

Hudyat ito nang pagtawa ng babaeng baliw.

Sisimulan ko nang magtago sa isang tabi,

Magtatago pero hindi hinahanap,

Magtatago pero hindi hinahabol.

Magtatago dahil kailangan…

Kailangan para hindi ko na marinig ang pagtawa ng babaeng baliw.

Mahina ang aking pandinig,

Kaya bilang lang ang aking nadidinig.

Hindi ko pa masyadong naririnig ang kanyang pagtawa,

Pero ayon sa sabi-sabi ito raw ay kakaiba.

Masyado bang mahina ang aking pandinig

O masyado lang mahina ang kanyang pagtawa?

T’wing gabi sinasabi ni Inay na takpan ko raw ang aking tainga

Para hindi ko raw marinig ang kanyang pagtawa.

Dahil kung ‘di ko tatakpan ito kukunin niya ako sa ilalim ng kama.
Ilang gabing nagpaulit-ulit ang gan’tong sistema,

Na kung saan sa t’wing tatawa siya ay kailangan kong takpan ang aking tainga.

Kinakain na ako ng mga katanungan…

Mga tanong na gusto kong masagutan.

Ano ba ang misteryo na nakapalibot sa kanyang pagtawa,

Kung bakit sabi ng iba ito raw ay kakaiba.

Sa umaga tahimik ang bahay ng babaeng baliw,

Na lalong dumagdag sa aking pagkalito…

Nalilito na ako kaya kailangan ko nang sagutin ang palaisipang ito.

Hindi ko na alam ang gagawin ko,

Bakit parati na lang ganito?

Bakit tuwing gabi lang siya tumatawa?

Ano ba talaga ang problema?

Kaya sa matinding pagkalito na nararamdaman ko…

Ito ang nasambit ko, “Sana balang araw tumigil na ang kanyang pagtawa. Sana matapos na ang misteryo na kanyang dala”.
Makalipas ang ilang gabi tumigil na ang pagtawa ng babaeng baliw.

Teka, ito na ba ang sagot sa mga kahilingan ko?

Na masagutan na ang lahat ng misteryo?

Ang saya… Ang sarap sa pakiramdam na sa wakas tapos na ang kanyang pagtawa.

Na nasagutan na ang misteryo niyang dala.

Pero lahat ng saya ay napalitan ng lungkot at takot.

Nagsimula ito no’ng dumating ang mga pulis galing nayon,

“Ginagahasa raw at binubugbog,” sambit ng isa.

Teka! Nagulat ako…

Sino ‘yong tinutukoy ng mga ‘to?

“Clara Dela Fuente,” sambit ng isang pulis.

Clara? Parang narinig ko na ang pangalang ito…

Pero sino? Paano? ANOOOOOO?

Anong nangyari kay Clara? Sino ang gumawa nito?

Habang naglalakad ako palayo nanginginig ang aking kalamnan.

Nagtayuan ang aking mga balahibo,

Kasabay nito ang pagkabuo ng mga palaisipan na sa isipan ko nabuo.

Unti-unti nang nabubuo ang mga piyesa.

Pero kapag nabuo ba ‘to may maganda bang resulta?
Napag ugnay-ugnay na lahat,

Sadyang ako na lang ang hindi makatanggap ng pangyayari.

Hindi ko akalain na si Clara pala ang sinasabi nilang baliw…

Ang tumatawang baliw.

Siya ang kababata ko na aking kalaro,

Kaya lang masyadong mapagkait ang tandhana kaya hindi na kami pinagtagpo.

Hindi ko alam na ang pagtawa niya ang senyales nang paghingi ng tulong,

Na ang kanyang pag-iyak ay inakala kong pagtawa.

Na ang pagtawa ng baliw

Ang nagbibigay sa kanyang ama ng aliw.

Paulit-ulit na gabing panggagahasa…

Mga gabing akala ko siya ay masaya…

‘Yon pala ay impyernong kanyang nadadama.

Na inakala ko siya ay nakangiti…

Sa totoo lang ay hindi,

Pakiramdam niya na parang gusto niya nang magbigti.

Sa paulit-ulit na sarap na naramdaman ng kanyang ama,

Ay paulit-ulit na sakit ang kanyang nadama.

Bahay nila na napuno ng kalampag at dabog,

Hudyat na pala ito nang pangbubugbog.

Masyadong brutal ang mga kaganapan,

Basag na labi at bungo,

Mga daliring bali-baliko,

Mga pasa sa hita,

Paso ng plantsa sa t’yan.

At sa huling gabi na kung saan tumawa ang baliw,

Siguro tuluyan na siyang magiging masaya

Sapagkat malaya na siya.

At ang huling tawa ni Clara

Ang senyales nang pagpanaw niya.