“Maraming pagkakataon”

Para sa mga taong paulit-ulit na nagbigay ng pagkakataon pero binigo pa rin. 🙂


by: John Crisver Viesca
Hindi lang isa, dalawa o tatlo

Kun’di marami,

Maraming pagkakataon ang ibinigay ko sa’yo.

Maraming beses akong sumagot ng “Oo” sa kabila ng lahat ng pagkakamali mo.

Maraming beses akong pumayag na ituloy ‘to kahit nasasaktan na ako.
Umusad ang oras at lumipas ang araw

Mga panahong pagmamahal ko sayo ay nag-uumapaw.

Sa gabi o araw man,

Walang akong ibang iniisip kun’di ikaw.

Sa bawat araw na dumaraan,

Wala akong ibang hiling kun’di ikaw.
Simula noong tayo ay nag-umpisa,

maraming problema ang sumubok sa ating dalawa

Mga lason na sumira sa mundo nating masaya,

at mga panghuhusga na bumulag sa ating mga mata.

May mga katotohanan na pilit nating kinalimutan,

at mga pangyayari na pikit-mata nating nilagpasan.
Ang iyong boses na tila musika,

Musika na kumikiliti sa aking mga tainga.

Ang iyong kamay na humahaplos sa aking buhok at ikaw na nakasama ko sa lahat ng ating pagsubok.
Ngunit tila pinaglaruan tayo ng tadhana.

Mga pangako na bigla nalang nawala.

Mga away na naging sobrang malala.

Mga kasalanan na pareho nating nagawa na sa pagmamahalan natin ay unti-unting sumira.
Dumating sa puntong hindi ko maiwasan na masaktan sa bawat bagay na ginagawa mo.

Tipong tumatawa nalang ako upang itago ang totoong nararamdaman ko.

Dumating ang pagkakataon na hindi ko na kinaya at sumuko ako! 

Ngunit mahal kita kaya bumalik ako.
Sobrang dami na ng tiniis ko,

At tiniis ko ang lahat ng ‘yon para sa’yo.

Sa’yo na naging mundo ko,

Sa’yo na nagsilbing anino,

Anino na palaging  nasa tabi ko tuwing nag-iisa ako.
Kumusta ka na kaya ngayon?

Ako kasi, nananatili pa rin sa ganitong sitwasyon.

Wala pa rin nagbago simula noon,

at patuloy pa rin akong sinusubok ng panahon.

Panahon na hindi umayon sa ating relasyon sa kabila ng napakaraming pagkakataon.